Panalangin
Panginoon, salamat sa sakit, sa pagdurusa, sa mga problema't pasaning ipinadadala Mo sa akin. Sa pamamagitan nila ay naiiwasan ko ang mga kasamaang karaniwang di ko kinakayang labanan. Sa pamamagitan nila ay napipilitan akong umunlad at mag-isip, maghanap ng mga solusyon, magsumikap na maging mas mabuting tao. Opo, sa totoo lang, kung ako ang papipiliin ay mas gugustuhin kong tanggalin Mo ang mga iyon sa buhay ko. Pero naniniwala akong walang anumang suliraning dumarating nang di Mo ipinahihintulot, at di Mo sila ipahihintulot malibang sila'y tunay na mabisang kasangkapan ng aking ikaliligtas. At dahil dito, malaya kong niyayakap ang aking krus.
Napakahirap po, at wala akong tiwala sa aking sarili hinggil sa kung hanggang kailan ko matitiis ang lahat ng ito. Sa Inyo lamang po ako may tiwala; sa grasya po Ninyo ako lubos na mananalig. Huwag po Ninyo akong pababayaan. Samahan po Ninyo ako sa aking paghihirap. Sa mga sandaling susuko na ako, alalahanin po Ninyo ako at kaawaan, abutin ang aking mga kamay at muli akong ibangon sa bisa ng Inyong lakas. Katulad ng Panginoong Jesus, hinihiling ko po sa Inyo, Ama, na huwag ang kalooban ko kundi ang kalooban lamang Ninyo ang laging masunod — ngayon, bukas, at magpakailanman. Nagtitiwala po ako sa Inyong mga pangako, na sa aming pakikibahagi sa mga paghihirap ng Panginoong Jesu-Cristo, kami rin nama'y makaaasang makikibahagi rin sa Kanyang pagtatagumpay. Amen.
Comments