Mga Limitasyon ng Pag-iingat

Maaaring nasabi ko na ito noon pero sasabihin ko na lang din muli: Kahit gaano ka pa kaingat sa pagpaplano, kahit gaano pa kadetalye ang mga plano mo, makakalimot at makakalimot ka pa rin. Bakit? Tao ka lang eh. May limitasyon ang utak mo. Kaya dapat kung alam mong importante yung ginagawa mo at alam mong mababalisa ka kapag may nangyaring di mo inaasahan, huwag mong ikasusuya yung mga sobra-sobrang pag-iingat at pagpapaalala sa sarili. Kahit sabihin pa ng iba na masyado kang maarte o "common sense" lang naman yung dapat gawin o nakaka-abala na yung mga itinatakda mong checklist o protocol, hayaan mo lang sila. Hindi naman sila ang higit na mapeperwisyo kundi ikaw. Gawin mo ang anumang kinakailangan mong gawin para hindi ka nalalagay sa mga sitwasyong sinisisi mo ang sarili mo sa mga nangyayaring aberya dahil iniisip mong naging pabaya ka. Oo, maaaring naging pabaya ka nga, pero malaking salik din yung mga kahinaang pantao mo.

Huwag din nating kalimutan ang mga pwersang hindi natin kontrolado. Kahit naman ano pang ingat mo, kung yung mga tao at iba pang nilalang sa paligid mo ay walang katulad na pag-iingat, mamamalayan mo na lang at may gagampanan silang papel para masabotahe ang mga plano mo. Hindi mo makuhang magalit sa kanila dahil siyempre buhay nila iyon; hindi mo naman sila maaaring diktahan para lang sa sarili mong kapakinabangan. Sila mismo'y may mga sariling planong inaasikaso at mas uunahin nila iyon kaysa yung sa iyo.

Isinusulat ko ito para maibsan ang pagkadismaya ko sa sarili ko at sa kapwa ko. Hindi pwedeng lagi na lang akong mababalisa o magagalit sa mga di kaiga-igayang sitwasyon na inaakala kong madali lang sanang naiwasan kung nagplano't naghanda lang nang mabuti. Kailangang matutunan nating tanggapin na limitado lang ang kapangyarihang ipinagkaloob sa atin ng Diyos para asikasuhin ang mga buhay natin dito sa lupa. Hindi lahat ng aberya ay mapipigilan mo. Hindi lahat ng problema ay mapaghahandaan mo. At ang mga di naiwasang suliranin ay hindi laging kinakailangang maging malubha o kumplikado; marami sa mga iyan ay simple at madali lang sanang napigilan, pero nangyari pa rin dahil nga tao ka lang. Matuto tayong tanggapin ang katotohanan ng ating kalalagayang makalupa at maging mapagpatawad sa sarili at sa kapwa.

Comments