Ang Moral na Hangganan ng Pagpapahayag ng Sariling Pananaw

Dapat bang respetuhin lahat ng opinyon? Siguro, linawin muna natin kung ano bang ibig nating sabihin sa "pag-respeto":

  1. Sinasabi ba natin na dapat ituring ang lahat ng opinyon na tama o mabuti? Kalokohan iyon. Kung may tamang opinyon, may maling opinyon. Bakit mo ituturing na tama ang mali at mabuti ang masama? Parang sinabi mo na rin na wala talagang katotohanan at kabutihan sa mundo at pare-pareho lang tayong nag-iimbento ng anumang gusto nating paniwalaan.
  2. Sinasabi ba nating ang bawat opinyon ay may mga elemento ng tama at mabuti, kaya't nararapat pakinggan at huwag agad husgahan? Oo, subalit ipinahihiwatig nito na mayroong umiiral na tiyak na pamantayan ng tama at mabuti na dapat nasusunod, at mga mapagkakatiwalaang hukom na makatutukoy sa mga naturang elementong nararapat sang-ayunan at sa mga elementong nararapat kondenahin.
  3. Sinasabi ba natin na karapatan ng bawat tao na ipahayag ang kanyang mga saloobin? Oo, subalit ipahayag mo iyan sa paraang di ka nakaka-perwisyo — dahil hindi mo karapatang mamerwisyo ng kapwa. Kung ayaw ka nilang pakinggan, huwag mo silang pipiliting makinig. Kung ayaw ka nilang sang-ayunan, huwag mo silang pipiliting sumang-ayon. Kung pinakikinggan ka nila, tungkulin mong pakinggan din sila kahit magkasalungat pa ang inyong mga pananaw. At kung di mo ibig maging patas at gusto mong ikaw lang ang dapat pinakikinggan at sinusunod, puwes, manahimik ka't sarilinin na lamang ang opinyon mo. Sarili mong isip iyan kaya't malaya kang isipin ang anumang gusto mong isipin, pero wala kang karapatang kontrolin ang isipan ng iba.

Anumang opinyong nais nating ipatanggap sa mundo ay dapat nating pinag-aaralang mabuti at maingat na ipinatatalastas. Kailangan mo munang maipakita na iyan ay talagang makatutulong para sa mas malalim na pag-unawa sa mga umiiral na pamantayan ng katotohanan, kabutihan, at kagandahan sa mundo. Patunayan mo muna na karapat-dapat ka ngang pag-aksayahan ng oras. Pero kung ang layunin mo lamang ay manira, manakit, manamantala, magpatawa, magpapansin, manggulo, o kung anu-ano pang adhikaing walang kabuluhan sa tao o sa lipunang gusto mong istorbohin, nararapat lamang na patahimikin ka at pagkaitan ng karapatang magpahayag. Kung bigyan ka man ng pagkakataong magpaliwanag, ito'y sa konteksto lamang ng paggagawad ng makatarungang hatol sa katarantaduhan mo — hanggang diyan lang ang "respetong" nararapat sa mga tulad mong hambog, intrimitida, mapagmarunong, at diktador.

Comments

POPULAR POSTS

Ang Aking Opinyon Hinggil sa Paggamit ng Kalapati sa Rituwal ng Salubong sa Parokya ng Inmaculada Concepcion, Diyosesis ng Kalookan

Private Thoughts vs. Public Actions

γƒžγ‚―γ‚Έγ‚§γƒ• フロンドゾ